Ibinunyag ni dating first lady Michelle Obama na dumaranas ito ng “low-grade depression”.
Ilan sa mga dahilan aniya nito ay dahil sa pandemic, race relations at ang nagaganap na pamumulitika sa US.
Isinawalat nito ang nasabing kondisyon sa kaniyang personal na podcast.
Sinabi nito na gumagawa ito ng paraan para malabanan ang nasabing depression.
Nakakabahala aniya bukod sa pandemic ang racial reckoning matapos ang nagaganap na malawakang kilos protesta dahil sa pagkasawi ng black American na si George Floyd sa kamay ng mga kapulisan ng Minneapolis.
Hindi rin nito maiwasan na ilabas ang hinanakit at pagkadismaya sa mga kababayan niya na nagmamatigas na magsuot ng mga face mask kapag lumalabas ng kanilang bahay ganun din ang mga hindi sumusunod sa health protocols para tuluyang malabanan ang pagkalat ng coronavirus.
Mula ng matapos ang termino ng asawang si President Barack ay naging abala na ito sa ibang mga bagay gaya ng paggawa ng mga documentary film series sa Netflix, paglabas ng mga libro at ang pinakahuli ang pagsasagawa ng mga podcast.