CAUAYAN CITY – Target ng Department of Science and Technology (DOST) na ilunsad ang ikatlong microsatellite ng Pilipinas na tatawaging Diwata 3 sa taong 2022.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Secretary Fortunato “Boy” de la Peña ng DOST, sinabi niyang ang paglulunsad sa Diwata 3 ay makakatulong sa lahat lalo na sa mga magsasaka para matukoy ang kapasidad at kalidad ng mga tanim sa agrikultura at iba pang impormasyon sa pagtukoy sa lagay ng panahon.
Makakatuwang ng DOST ang mga researcher, unibersidad at mga engineer ng Japan sa pagpapatupad ng Philippine Space Technology Development Program.
Magiging engineer ng programa ang walong Pilipino na pinag-aaral sa University of the Philippines (UP) gayundin ang mga scholar ng DOST na nag-aaral sa Japan.
Matatandaang ang Diwata-1 o Phl-Microsat-1 na dinisenyo at ginawa ng mga Filipino scientist ay inilunsad sa International Space Station (ISS) noong March 23, 2016 at na-develop sa orbit mula sa ISS noong April 27, 2016.
Ang Diwata-2 ay direktang inilunsad sa pamamagitan ng H-IIA F40 rocket ng Japan Aerospace Exploration Agency noong October 29, 2018.