-- Advertisements --
image 353

Maaari ng ma-access ng publiko ang microsite na naglalaman ng mga impormasyon kaugnay sa kauna-unahang sovereign wealth fund ng Pilipinas na Maharlika Investment Fund simula ngayong araw.

Ito ay inilunsad ng Department of Finance (DOF) kasunod ng paglagda dito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang isang batas.

Makikita sa microsite ang nilalaman ng MIF Act gayundin ang mga kaugnay na balita at event sa kontrobersiyal na batas.

Maaaring ma-access ito sa pamamagitan ng link na https://maharlika.dof.gov.ph/ kung saan tampok dito ang mahahalagang bahagi ng batas, joint statement ng economic managers ng pamahalaan at iba pang kaugnay na impormasyon.

Batay kasi sa lumabas na Social Weather Stations survey na inilabas ngayong Hulyo tanging nasa 20% lamang ng mga respondent ang naniniwala na mayroon silang sapat na kaalaman kaugnay sa MIF.

Sa kabilang banda naman, nasa 22% ang nagsabing kakaunti lamang ang kanilang kaalaman sa naturang MIF habang mayorya naman o 47% ang nagpahayag na halos o wala silang alam tungkol sa nasabing sovereign wealth fund.