CENTRAL MINDANAO- Umakyat na sa 7 ang active cases sa Midsayap Cotabato matapos makapagtala ng 5 panibagong pasyente na nagpositibo sa Coronavirus Disease (Covid-19)
Base sa inilabas na impormasyon ng Cotabato – Inter-Agency Task Force on COVID-19, kinabibilangan ito ng 29-anyos na lalake, 57-anyos na babae, 84-anyos na babae, 31-anyos na lalake at 32-anyos na lalake.
Ayon naman sa Midsayap-IATF, tatlo sa mga pasyente ay nakuha ang sakit mula sa mag-amang una nang nagpositibo sa COVID-19 habang ang dalawang iba pa ay pawang mga health care workers sa isang ospital.
Agad namang nagsagawa ng disinfection and sanitation activity ang mga myembro at opisyal ng PPalma Citizens Against Coronavirus sa pangunguna ni dating Cotabato Board Member Rolly Sacdalan sa bayan ng Midsayap.
Kinomperma din ng LGU-Midsayap na mayron ng local transmission ng Covid 19 sa bayan.
Tiniyak ng Cotabato-IATF na nasa stable condition ang mga panibagong pasyente sa lalawigan ng Cotabato at asymptomatic ang mga ito maliban na lamang sa 84-anyos na babaeng pasyente na nakakaranas ng pag-ubo na isa sa mga sintomas ng coronavirus disease o COVID-19.
Nananatili naman sa mga municipal isolation facility ang tatlong pasyente habang ang mga health care workers na nagpositibo sa sakit ay nananatili naman sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City.
Nagpahayag naman ang ahensiya na patuloy ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa mga panibagong kaso ng COVID-19 sa lalawigan kung ito nga ba ay maituturing nang local transmission.
Dahil dito, lumobo pa sa 73 ang kabuoang bilang ng mga nahawaan ng sakit sa probinsya.
Sa ngayon, nasa 19 na ang active cases sa North Cotabato.
Samantala, nakapagtala naman ng dalawang panibagong recoveries ang lalawigan na pawang mga residente ng lungsod ng Kidapawan dahilan upang umakyat sa 52 ang kabuoang bilang ng mga gumaling mula sa COVID-19.