CENTRAL MINDANAO – Ililipat na sa bayan ng Libungan Cotabato ang tanggapan ng Midsayap LTO District Office.
Bago lang ay ginanap ang blessing at ground breaking sa itatayong bagong tanggapan ng Land Transportation Office katuwang ang LGU-Libungan sa pamumuno ni Mayor Christopher “Amping” Cuan.
Ayon kay LTO-12 Regional Director Macario “Bong” Gonzaga na matagal na nilang hiniling sa LGU-Midsayap na malipat sila sa mas malaking lugar at opisina.
Minungkahi ng lokal na pamahalaan ng Midsayap na ilipat ang LTO Office sa dating public terminal ngunit maliit pa rin ang espasyo nito.
Nang magkita sina Mayor Cuan at Gonzaga ay doon na sila nagkasundo na ilipat na lamang ang LTO Office sa bayan ng Libungan.
Ang napagkasunduan nina Mayor Amping at Gonzaga ay pinaboran naman ni LTO chief, Asec. Edgar Galvante.
Todo pasasalamat naman si Gonzaga kay Mayor Cuan at sa mga SB members dahil mismong ang LGU-Libungan pa ang bumili ng lupa at nagtayo ng tanggapan ng LTO.
Maliban sa tanggapan ng LTO ay magtatayo naman ng sangay ang Landbank of the Philippines sa bayan ng Libungan na malaking tulong sa pag-angat ng ekonomiya at pag-unlad ng bayan.
Sinabi ni Mayor Cuan na kahit anung araw ay pwede nang lumipat ang Midsayap LTO District Office sa tatlong bakanteng opisina sa gilid ng municipal gym habang hinihintay nila na matapos ang itatayong bagong tanggapan.
Matagal nang pangarap ni Mayor Cuan na mas umunlad pa ang bayan ng Libungan ngunit matutupad lamang ito kung ang lahat ay nagkakaisa at nagtutulungan tungo sa serbisyong totoo at pagbabago.