CENTRAL Mindanao – Isinailalim na rin sa preemptive community quarantine ang bayan ng Midsayap sa probinsya ng Cotabato para labanan ang coronavirus disease (COVID-19).
Ito ay bahagi ng Executive order # 21 na inilabas ni Midsayap Mayor Romeo Araña.
Ang Preemptive Community Quarantine ay mag-uumpisa alas-12:00 ng madaling araw bukas Marso 18.
Nakapaloob sa preemptive community quarantine ay suspendido ang klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng antas, graduation rites, moving up, sabong, misa sa mga simbahan, reunion, palaro, party, kasal at iba pa maliban lamang sa libing.
Sa nalalapit na mahal na araw o Holy week activities ay matutuloy ngunit kailangang magpatupad ng social distancing at sanitation practices.
Hiling rin ni Mayor Araña sa taongbayan na kung walang importanteng puntahan ay manatili na lamang sa kanilang tahanan maliban lamang sa mga emergency cases.
Sa mga pumapasok sa bayan ng Midsayap ay sasailalim sa profiling at thermal scanners at magdala ng ID.
Magpapatupad din ng curfew hours mula alas-9:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga na mag-uumpisa alas-12:00 ng madaling araw ngayong darating na Marso 18.
Magkatuwang din ang militar, pulisya, Bureau of Fire Protection (BFP) Rural Health Unit (RHU) at ibang ahensya ng gobyerno sa mga ilalagay na checkpoint para masiguro na hindi makakapasok sa bayan ng Midsayap ang nakakahawang sakit na COVID-19.
Marami pa ang nakapaloob sa Executive Order # 21 ni Mayor Araña na kailangang sundin para sa kapakanan ng lahat.
Panawagan din ni vice-mayor at Dr Manuel Rabara sa mga residente sa bayan ng Midsayap na kailangang magtulungan para labanan ang COVID-19 at ang pinaka-importante ay magdasal sa Panginoon.
Nilinaw naman ni Midsayap chief of police, rLieutenant Colonel John Miridel Calinga sa mga magmamatigas, ayaw sundin ang executive order ng alkalde at kautusan ng Presidente ay huhulihin nila at mananagot sa batas.
Sa ngayon ay nananatiling COVID-19 free ang Midsayap Cotabato ngunit kailangang umaksyon agad ang lokal na pamahalaan para labanan ang nakamamatay na sakit.
Magpapatuloy naman ang profiling sa ilang mga residente ng Midsayap na bago lang dumating mula sa kalakhang Maynila at mga overseas Filipino workers (OFW) galing sa mga bansa na may nagpositibo sa COVID-19 kabilang na ang massive disinfection.
Ang hakbang ng LGU-Midsayap ay para sa kapakanan umano ng lahat at pagtalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.