Matatanggap na ng mga kwalipikadong empleyado ng gobyerno ang kanilang midyear bonus simula sa Mayo 15 ngayong taon.
Kaugnay nito pinaalalahanan ni Department of Budget and Management Sec. Amenah Pangandaman ang lahat ng ahensiya ng gobyerno at mga tanggapan na tiyakin ang agaran at napapanahong paglalabas ng mga bonus ng kanilang empleyado alinsunod sa umiiral na mga panuntunan at regulasyon.
Ang halaga ng matatanggap na midyear bonus ng kwalipikadong government worker ay katumbas ng isang buwang basic salary.
Ang bonus ay ibibigay sa mga kawani ng gobyerno na nagtrabaho ng 4 na buwan sa pagitan ng Hulyo 1 ng nakalipas na taon hanggang Mayo 15 ng 2024.
Dapat din na ang empleyado ng gobyero ay employed sa gobyerno as of May 15 at dapat nakatanggap ng satisfactory score sa nakalipas na rating period.
Kabilang sa mga makakatanggap ng midyear bonus ang lahat ng civilian personnel kasama ang regular, casual, and contractual employees.
Gayundin ang mga naitalaga o nahalal sa mga sangay ng gobyerno at mga institusyon, full-time man o part-time.
Kabilang din ang military at uniformed personnel ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Public Safety College, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections, Philippine Coast Guard, at National Mapping and Resource Information Authority.