Nasungkit ngayon ng Mighty Sports Philippines ang kauna-unahan nitong korona sa Dubai International Basketball Championship makaraang itala ang 92-81 tagumpay kontra sa defending champion na Al Riyadi sa Shabab Al Ahli Club.
Nagsanib-puwersa sina Renaldo Balkman at Andray Blatche upang akayin ang Pinoy contingent, na winalis din ang daan para itanghal na kauna-unahang bansa sa labas ng Middle East na magkampeon sa invitational tournament.
Pumoste ng 25 points sa kanyang 10-for-16 shooting si Balkman, kasama na ang siyam na rebounds.
Nag-init din si Blatche na tumipon ng 21 points, 10 boards, apat na assists, at dalawang steals.
Ito rin ang pinakamagandang performance ng tropa ni coach Charles Tiu, na nagrehistro ng 56% shooting mula sa field, at 9-of-22 (40-percent) sa downtown.
Nagpasiklab nang husto ang Mighty sa third quarter kung saan mula sa 50-45 abante ay pinalawig pa nila hanggang 16 puntos ang kanilang lamang, na tinapos ng 3-pointer ni Jelan Kendrick sa huling 5:08 para ilista ang 61-45 bentahe.
Lumobo pa sa 21 ang abanse ng Pinoy cagers sa unang bahagi ng final canto, at kanilang napanatili ang momentum hanggang sa pagtatapos ng bakbakan.
Sa kabilang banda, sumandal ang Al Riyadi kay Michael Efevberha na tumipa ng 26 points at limang rebounds.
Narito ang mga iskor:
MIGHTY SPORTS 92 — Balkman 25, Blatche 21, Williams 13, Moore 11, Kendrick 10, Ravena 6, Malonzo 4, Go 2, Ju. Gomez de Liano 0, Belga 0.
AL RIYADI 81 — Efevberha 26, Jackson 20, Haidar 14, Arakji 10, Bawji 6, Saoud 3, Mneimneh 2, Townes 0, Akl 0, Gyokchyan 0.
Quarters: 24-20, 46-42, 74-57, 92-81.