-- Advertisements --

Abot kamay na ng Mighty Sports-Go For Gold ang pinakainaasam-asam na titulo sa William Jones Cup makaraang itala ang 97-74 paggiba sa home team na Chinese Taipei Blue sa Taiwan.

Tangan ang malinis na 7-0 kartada, tiyak nang mapapasakamay ng Mighty ang titulo anuman ang kalalabasan ng kanilang final game.

Bagama’t napuwersang umalis sa laro si Renaldo Balkman dahil sa injury sa ilong sa huling bahagi ng third quarter, napanatili ng Pinoy cagers ang kanilang kapit upang ibulsa ang panalo.

Naging mabagal ang panimula ng Mighty sa unang mga minuto ng laro.

Ngunit hindi na lumingon ang Philippine squad matapos mag-init sina Balkman, McKenzie Moore at Jeremiah Gray.

Nagawang makahabol ng Chinese Taipei Blue sa second period kung saan nagawa nilang tapyasan ang abante ng kalaban sa apat, 26-30.

Pero inihulog ng Mighty ang 20-1 bomba upang hindi na lingunin ang katunggali.

Si Moore, na nagtapos na may 10 points, ay nasipa sa laro makaraang makatanggap ng dalawang technical fouls.

Sumandal naman kay Balkman ang Mighty na tumapos na may 21 markers.