Posibleng nagmula sa migratory birds ang kasalukuyang bird flu outbreak sa Pampanga.
Dahil dito pina-iiwas muna ng Department of Environment and Natural Resources – Biodiversity Management Bureau (DENR-BMB) ang publiko na magkaroon ng ‘contact’ sa migratory birds na dumarayo sa bansa mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon kay DENR-BMB Director Mundita Lim, lalong hindi dapat katayin ang migratory birds dahil sa bantang mas kumalat ang bird flu mula sa ‘human contact’.
Inihayag ni Lim na sa buwan ng Septyembre magsisimula ang pagdating ng migratory birds sa Pilipinas at aalis ang mga ito sa Marso ng 2018.
Sinabi ni Lim na makatutulong ang publiko na mapigilang lumaganap sa ibang lugar ang outbreak kung ire-report agad sa regional office ng Department of Agriculture (DA) kapag may makitang patay, nanghihina, o maaaring may sakit na migratory bird.
Dagdag pa ni Lim na kaniya ng inirekumenda ang pagbuo ng komite para tutukan ang bird flu outbreak ng sa gayon maiwasang mahawa ang mga tao sa virus.