-- Advertisements --

Inanunsyo ni Houston Rockets coach Mike D’Antoni na napagpasyahan nitong maging free agent na lamang at hindi na bumalik sa koponan sa susunod na season.

Ang hakbang na ito ni D’Antoni ay kasunod ng pagkabigo ng Rockets na makausad sa Western Conference Finals nang biguin ng Los Angeles Lakers sa Game 5 ng kanilang serye.

“It’s with tremendous sadness and gratitude that my wife Laurel and I announce that our incredible journey in Houston has ended for now and that we’ll be moving to a new chapter,” wika ni D’Antoni.

Kung maaalala, bago ang season ay tumangging pumirma ng extension si D’Antoni sa Rockets.

Sinasabi ng ilang mga tagapagmasid na ikokonsidera raw si D’Antoni bilang isa sa mga kandidato para sa pag-coach sa Philadelphia 76ers.

Sa isang pahayag, inihayag ni Rockets owner Tilman Fertitta ang kanyang pasasalamat kay D’Antoni.

“Mike is a true professional and an amazing basketball mind,” ani Fertitta. “He is a winner, and we have been blessed to have had such an outstanding coach and leader to work with the past four seasons.”

Sa kanyang apat na season bilang Houston coach, nagtala si D’Antoni ng 217-102 kung saan isang beses na nakapasok ang koponan sa Western Conference finals at tatlong beses sa conference semifinals.

Ang two-time NBA Coach of the Year din ang nagdala sa Rockets tungo sa highest winning percentage sa Western Conference sa loob ng huling apat na taon.