Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) matapos gumawa ng ingay sa social media ang pahayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na apat sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 positive cases ng lungsod ang pinauwi dahil sa kakulangan umano ng espasyo sa kanilang mga ospital.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, maaari nang pauwiin ang mga may kaso ng sakit kung mild symptoms na lang ang kanilang nararamdaman o di kaya’y asymptomatic o wala ng sintomas.
Giit ng opisyal na kung magpapauwi man ng positive case, ay dapat na may hiwalay itong kuwarto sa kanilang bahay para makapag-quarantine.
Gayundin na dapat ay walang kasama sa bahay na posibleng vulnerable sa sakit gaya ng may underlying condition at matatanda.
Una nang nilinaw ni Mayor Belmonte na hindi siya, kundi ang mga humawak ng tests ang nagpauwi sa apat na COVID-19 patients.
Nalaman lang daw ng kanilang tanggapan na nakauwi na ang mga ito matapos makita ang listahan ng DOH.