Ibinahagi ni Miles Ocampo na cancer-free na siya matapos sumailalim sa thyroid surgery noong nakaraang taon. Bunyag pa ni Miles, nalaman niya lang na may cancer siya pagkatapos na ng kanyang operasyon.
Ayon sa kanyang doktor, malaki at malignant na ang kanyang cancer na kung hindi naagapan ay posibleng kumalat pa sa kanyang katawan.
Ipinaliwanag din ni Miles na isa sa mga dahilan ng pagdagdag ng kanyang timbang ay ang maintenance medicine niya na habang-buhay niya ng iinumin. Isa raw ito sa nagiging dahilan ng pagtaba o pagpayat ng kanyang katawan.
Ibinahagi rin ng aktres na isang beses sa dalawang buwan siya nagpapa-blood test para malaman kung kailangan bang i-adjust ang dosage ng kanyang gamot o hindi.
Bago magtapos ang taong 2023 ay gumawa ng ingay ang aktres matapos masungkit ang Best Supporting Actress award sa Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal dahil sa kanyang pagganap sa pelikulang Family of Two.