CENTRAL MINDANAO- Nagsilikas ang mga sibilyan sa engkwentro ng dalawang Moro Fronts sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay Moro Islamic Liberation Front (MILF) 104th Base Command 1st Platoon leader Pretty Belon, sinundan lamang umano ng kanyang mga tauhan ang nawawala nilang alagang baka SA Sitio Sultan Barangay Bagoinged Datu Odin Sinsuat Maguindanao ng bigla silang paputukan ng mga armadong miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF).
Gumanti nang putok ang MILF resulta ngayon nang kalat-kalat na palitan ng bala sa magkabilang panig.
Dagdag ni Belon na may mga kabahayan pa umano ng mga sibilyan ang sinunog ng MNLF.
Sinabi naman ni MNLF Vice Chairman Romeo Sema, na taliwas sa pahayag ni Belon wala umanong sinunog na bahay ang kanilang grupo.
May inisyal na umanong usapan ang Central Committee ng MNLF at MILF upang matigil ang labanan ng dalawang grupo.
Umaasa naman si Sema na maaayos ang gusot at hindi na lumala ang awayan ng magkabilang panig.