CENTRAL MINDANAO – Lumikas ang maraming sibilyan dahil sa kalat-kalat na bakbakan ng dalawang armadong grupo sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay Cotabato police provincial director Colonel Henry Villar na nagkasagupa ang grupo nina Kumander Ricky Hussien ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Kumander Butoh Sanday ng armed lawless group sa Brgy Talitay, Pikit, North Cotabato.
Ayon kay Pikit Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) officer Tahira Kalantungan, mahigit 300 pamilya ang lumikas sa mga apektadong barangay sa bayan ng Pikit.
Ang mga bakwit ay temporaryong nanunuluyan sa mga paaralan at sa kanilang mga kamag-anak sa mga ligtas na lugar.
Matatandaan na si Kumander Butoh Sanday ay dating brigade commander at G3 ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ngunit pinatalsik ng MILF.
Napatunayan daw ng MILF na si Kumander Sanday ay sangkot sa kaguluhan sa hangganan ng Pikit, Cotabato at Pagalungan, Maguindanao.
Ang kautusan ay inilabas ng general staff at inisyu ni MILF chief of staff Sammy Al Mansour.
Nakisawsaw din si Kumander Sanday sa alitan o rido nang magkalabang pamilya sa bayan ng Pikit.
Hindi umano inalintana ni Sanday ang kaligtasan ng mga sibilyan sa mga nangyaring labanan at hindi na rin sumusunod sa kautusan ng liderato ng MILF.
Ang grupo nina Sanday at Hussien ay may personal na alitan o rido sa kanilang pamilya.
Sa ngayon ay hindi pa matiyak ang mga nasawi at nasugatan sa magkabilang panig sa kalat-kalat na engkwentro sa bayan ng Pikit.