CAGAYAN DE ORO CITY – Mananatiling buo ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) kahit umuusad na ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) na mamahala sa bagong tatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ang paglilinaw ni MILF chairman at ngayo’y BTA interim chief minister Murad Ebrahim sa kabila ng mga pagkuwestiyon ng isang paksyon ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa kanyang pamumuno sa Bangsamoro region.
Sinabi ni Ebrahim, magiging isang social movement na katuwang na ng gobyerno ang MILF upang mapaunlad ang rehiyon ng Mindanao.
Inihayag ng opisyal na bagama’t malaking hamon sa kanila kung paano patatakbuhin ang BARMM, malaking tulong rin umano ang kanilang karanasan bilang revolutionary movement.
Magugunitang una na ring sinabi sa Bombo Radyo ni MILF peace implementing panel chairman Mohaguer Iqbal na kukuha sila ng mga eksperto na tutulong sa pamahalaan para sa pamamahala sa Bangsamoro.