-- Advertisements --
MILF 1st Vice Chairman Ghazali Jaafar

CENTRAL MINDANAO – Pumanaw na si Moro Islamic Liberation Front (MILF) vice-chairman at speaker-to-be of the parliament ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na si Ghazali Jaafar dakong ala-1:00 ng madaling araw kanina.

Matagal ng may iniindang sakit si Jaafar at hindi na nito nakayanan kaya binawian ng buhay sa edad na 75.

Maging si Moro Islamic Liberation Fromt (MILF) chairman at BARMM chief minister Al Haj Murad Ebrahim ay nagpalabas din ng kumpirmasyon sa pagpanaw ni Jaafar sa Davao City.

Sinasabing mahigit 50 taon ding na nakibaka ang opisyal sa karapatan ng Bangsamoro bago nito nakamit ang minimithi nilang otonomiya.

Si Jaafar ay nagsilbi ring Bangsamoro Transition Commission chairman bago ang naganap na referendum sa Bangsamoro Organic Law (BOL) kamakailan na siya namang pumalit na sa ARMM.

Nilinaw naman ni Ebrahim na nakatakda silang mag-anunsiyo kung sino ang ipapalit kay Jaafar bilang speaker ng BARMM.

Sa ngayon aniya ay nagsasagawa sila ng funeral preparations batay na rin sa traditional Muslim practice matapos ihatid ang labi ni Jaafar sa Sultan Kudarat.

Samantala, buhos naman ang nagpapaabot nang pakikiramay sa buong pwersa ng MILF,  Bangsamoro, at iba’t ibang mga opisyal ng pamahalaan sa pagpanaw ni Jaafar.