-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kasado na ang isasagawang nationwide protest laban sa rice liberalization law na pangungunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMU) araw ng Miyerkules, Nobyembre 20 o bukas.

Paliwanag ng presidente ng grupo na si Ka Paeng Mariano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, layunin ng protesta na maipaabot sa Department of Agriculture (DA) at sa administrasyon ang kanilang panawagan na tapusin na ang rice liberalization upang maisalba pa ang mga magsasaka sa bansa.

Aniya, naisumite na rin nila ang 50,000 na lagda kay House Speaker Allan Peter Cayetano bilang panawagan sa pag-amiyenda sa Republic Act 11203 kung saan sa naturang bilang, 60% ang lagda mula sa mga magsasaka.

Inatasan na rin umano ni Cayetano ang pagkakaroon ng konsultasyon at pag-alam ng House of Representatives sa epekto ng rice liberalization law sa mga magsasaka.

Nanawagan rin si Mariano na bigyang pansin ng administrasyon ang pagkakaroon ng matatag na seguridad sa pagkain sa Pilipinas.