Nagsagawa ng kilos protesta ang nasa 50 miyembro ng militanteng grupo sa tanggapan ng Department of National Defense (DND) sa Kampo Aguinaldo.
Galing pa sa Cagayan Valley ang ilan sa mga magsasaka na nagkilos protesta na kinabibilangan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura at Anakpawis.
Bitbit ng mga rallista ang kani-kanilang mga plakard na may nakasulat na “NTF-ELCAC buwagin.”
Ayon kay Renato Gameng, Chairperson ng KMP sa Isabela, hindi sapat na bawasan ang pondo ng ELCAC dahil dapat ay tuluyan na umano itong tanggalan ng pondo.
Paliwanag niya, puro hirap ang naranasan ng mga magsasaka sa kanilang rehiyon dahil puro red-tagging ang ginagawa ng militar.
Sa katunayan daw ay hindi na sila halos na makapagtanim dahil sa takot na maaresto.
Matapos sa DND, dumiretso ang mga militante sa Senado para doon mangalampag.
Nabatid na sa ngayon ay patuloy ang pagtatalo sa Senado kung dapat bang tapyasan ang pondo ng ELCAC.
May proposal kasi na mula sa P28 Billion ay gawing P4 Billion na lang ang pondo ng NTF-ELCAC.