-- Advertisements --

Binatikos ng Kabataan Partylist ang tinawag nilang “desperate tactics” ng Philippine National Police (PNP) hinggil na naging pahayag nito na kanilang aarestuhin ang mga magsasagawa ng kilos protesta sa mga hindi designated areas sa nalalapit na unang SONA ni Pang. Bongbong Marcos.

Ayon kay Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel ang “no-rally” zone declaration ng PNP sa may bahagi ng Commonwealth Avenue ay walang legal basis.

Binigyang-diin din ni Rep. Manuel na ang pahayag ng PNP sa media ay walang otoridad para tanggalin sila sa kanilang constitutional right to assembly, expression and protest.

Una ng sinabi ng PNP na nasa 21,000 police personnel ang idi deploy para magbigay seguridad sa SONA 2022 pero giit ng Kabataan Partylist na ang nasabing hakbang ng PNP ay para mag-intimidate sa mga gagawing peaceful assembly.

Inihayag ng mambabatas na walang pagkakaiba si Marcos Jr kay Marcos Sr sa pag mobilize nito ng mga pulis para supilin ang sibilyan.

Ito aniya ay mga maagang senyales ng awtoritaryan tendencies na inaasahang lalala pa habang ang publiko ay hindi nagiging maayos at ang administrasyon ay patuloy na walang kakayahan na pangasiwaan ang lumalalang krisis sa socioeconomic.

Inilalantad lamang nito kung gaano ka-insecure at takot ang administrasyong Marcos Jr. sa sambayanang Pilipino.

Giit ni Rep. Manuel, walang lehitimong pangulo ang magnanais na pigilan ang kanyang mga mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin.

Dapat ay marunong siyang makinig sa tunay na boses ng mga tao maging ito man ay papuri o protesta.

Karapatan ng mga Pilipino ang magmartsa sa lansangan at ilantad ang tunay na estado ng bansa para isulong ang adyenda ng mamamayan.

Bukod sa Kabataan Partylist, umalma din ang Anakpawis at Bayan sa pahayag ng PNP.

Samantala, paliwanag naman ng PNP na pagtupad ng “no-rally zone” ay para matiyak ang seguridad ng lahat na dadalo sa SONA.

Ayon kay PNP OIC Chief PLt.Gen. Vicente Danao Jr., na last resort na ng PNP ang paggamit ng water cannons laban sa mga militanteng grupo na magsagawa ng kilos protesta.

Sinabi ni Danao na gagawin lamang nila ito kung kinakailangan.

Pagtiyak ng Heneral na strikto pa rin ipatutupad ng PNP ang maximum tolerance.

Una ng inihayag ng PNP na ang Quezon City Memorial Circle, sa loob ng compound ng Commission on Human Rights at sa loob ng UP Diliman Campus na tinaguriang mga freedom parks kung saan maaring magsagawa ng mga kilos protesta sa Lunes.