Todo alerto ngayon ang buong hanay ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army na nakakasakop sa Calabarzon region at MIMAROPA o Region 4-B dahil sa presensiya ng mga armadong rebelde na nagbabalak na maghasik ng terroristic activities.
Ito’y matapos makasagupa ng mga sundalo ang nasa 10 armadong miyembro ng New People’s Army (NPA) kahapon bandang alas-4:30 sa may Barangay Bulo, Mulanay, Quezon.
Resulta ng matinding bakbakan ay ang pagkumpiska ng mga matataas na kalibre ng armas at maraming bala.
Ayon kay 2nd Infantry Division commander Maj. Gen. Greg Almerol nakuha sa posisyon ng mga terorista ang tatlong M16 rifles, isang M203 grenade launcher, AK47 rifle at mga bala sa mga miyembro nang tinaguriang Sub Regional Military Area 4B (SRMA-4B) sa pamumuno ng isang alias Marvin.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa 25 minutong labanan, subalit pinaniniwalang may casualties sa hanay ng mga kalaban dahil sa mga bakas ng dugo na nakita sa encounter site.
Dahil sa nagpapatuloy pa rin ang hot pursuit operation laban sa mga nagsitakas na NPA members, pinalakas naman ng AFP at PNP ang kanilang checkpoint operations.
Inilagay din sa high alert ng pamunuan ng 2nd ID ang lahat ng mga available military assets para agad makapagresponde sakaling kakailangan ng mga ground forces.
Patuloy ding hinihikayat ni Almerol ang komunida para makipagtulungan sa mga otoridad lalo na kung may mga namo-monitor ang mga ito na presensiya ng mga armadong grupo sa kanilang mga lugar.