-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nagkasagupa ang hanay ng 12th Infantry Battalion Philippine Army at Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa boundary ng Barangay Manaripay, Calinog, Iloilo at Barangay Cabatagan, Lambunao, Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Capt. Kim Apitong, spokesperson ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army, sinabi nito na nagkasa ng security operations ang tropa ng 12th Infantry Battalion= matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa presensiya ng CPP-NPA sa lugar.

Kasalukuyan ang security operations ng tropa ng pamahalaan nang paulanan sila ng bala ng miyembro ng teroristang CPP-NPA na kasapi ng Sandatahang Yunit Pampropaganda , Baloy Platoon, Central Front, Komiteng Rehiyon Panay.

Tumagal nang sampung minuto ang engkwentro hanggang sa umatras ang mga kasapi ng CPP-NPA.

Sa isinagawang clearing operations, may mga nakitang bakas ng dugo na pinaniniwalaang mula sa mga nasugatang rebelde.

Narekober din ang isang AK47, isang M79GL, isang magazine ngAK47 na may mga bala, dalawang magazines ng Cal .45 pistol, 250 rounds ng 5.56 ctgs, at mga subversive documents.

Wala namang napaulat na nasawi o nasugatan sa tropa ng pamahalaan.

Muli ay hinihikayat ng mga kinauukulan ang mga kasapi ng CPP-NPA na magbaba ng armas at magbalik-loob na sa pamahalaan kung saan, may naghihintay na tulong para sa kanilang pagbabagong buhay.