-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umabot sa mahigit 15 mga kasapi ng New Peoples Army (NPA) ang nakasagupa ng mga sundalo mula sa 5th Special Forces Battalion sa Sitio Datal Kadi, Brgy Tasiman, Lake Sebu, South Cotabato.

Ito ang inihayag ni Capt. John Gonzaga, Civil Military Operations Officer ng 5th Special Forces Batallion sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Capt. Gonzaga pinangunahan ni Magaw, front secretary ng Guerilla Front Musa ng Far Southern Mindanao Region (FSMR) at Tamton, commanding officer ng Front Operational Command, Guerilla Front Musa ang nakasagupa ng mga ito.

Malaki ang paniniwala ni Gonzaga na may sugatan sa ilang minutong palitan ng putok ng magkabilang panig dahil sa mga patak ng dugo sa lugar kung saan nagkaengkwentro ang mga ito.

Agad naman umanong tumakas ang mga rebelde at iniwan ang lugar na pinagtataguan nila.

Narekober naman ng mga sundalo ang (1) 40mm Grenade Launcher, 158 rounds of 7.62mm at maraming mga war at medical materials.

Napag-alaman na nasa 16-anyos ang pinakabata umanong nahihikaya’t na sumama sa mga rebelde at nakikipaglaban sa mga sundalo.

Kaugnay nito, nanawagan ang opisyal sa mga kasapi ng NPA at hinihikaya’t na sumuko na at bumalik loob sa gobyerno upang makapamuhay ng payapa kasama ang kanilang pamilya.

Sa ngayon nasa halos 100 na umano ang sumuko sa 5th Special Forces Batallion sa ilalim ng pamumuno ni Gonzaga at inaasahan nitong madadagdagan pa.