CAGAYAN DE ORO CITY – Narekober ng militar ang anim na backpacks at mga mahahalagang dokumento na pagmamay-ari ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Minlagas, Barangay San Luis, Gingoog City, Misamis Oriental.
Ayon kay 58th Infantry Battalion commander Lt Col Roy Anthony Derilo na kanilang sinusundan ang 16 na tauhan ng NPA na magsasagawa sana ng recruitment ngunit nahalata sila kung kaya’t sumiklab ang engkwentro.
Wala naman umanong casualties sa magkabilang kampo ngunit naiwan ng armadong grupo ang ilang mga gamit nito kagaya na lamang ng contraceptives, mga gamit sa pagbunot ng ngipin, solar panel, medics equipment, charger ng radyo, isang sakong bigas at iba pang dokumento.
Sa ngayon ay mas pinahihigpitan pa ng tropa ang kanilang pagbibigay seguridad sa lugar na kanilang nasasakupan upang maiwasang malusutan ng mga armadong grupo.