ROXAS CITY – Kumpirmadong nagkamali ang 61st Infantry Battallion ng Philippine Army at Regional Intelligence Division ng Police Regional Office-6 sa paghuli sa tinutugis na pinuno ng New People’s Army (NPA).
Ito’y sa kabila ng unang paninindigan ng mga otoridad na si Baltazar Saldo ay si Virgilio Paragan, commanding officer ng Roger Mahinay Command, Komiteng rehiyon-Negros ng Communist Party of the Philippines-NPA (CPP-NPA) noong 2000 hanggang 2004.
Ngunit sa isinagawang validation, napatunayan na biktima lamang ng mistaken identity si Saldo ng Sto. Angel, Dumalag, Capiz.
Lumalabas din na ordinaryong driver lamang si Saldo na napagkamalan na dating commanding officer ng rebeldeng grupo na matagal nang pinaghahanap ng batas.
Nabatid na mismong ang pamangkin ng rebeldeng si Paragan ang nanindigan na hindi ang dinakip na si Saldo ang tiyuhin nito na si Virgilio.
Nabatid na apat na warrants of arrest ang isinilbi kay Saldo dahil sa dalawang kasong murder at dalawang kasong attempted murder sa Poblacion Tacas, Cuartero, Capiz, noong araw ng Linggo.