Nabigyan ng tulong ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Oriental Mindoro dahil sa pagsisikap ni Speaker Martin Romualdez, Tingog Partylist, at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa isang simpleng seremonya kahapon, March 21, iniabot sa 402nd Infantry Brigade ng Philippine Army at Region IV-B MIMAROPA Regional Police Office ang P300,000 halaga ng tulong kung saan P200,000 ay pagkain gaya ng bigas, delata at noodles at P100,000 tulong pinansyal.
Pinangunahan ni Deputy Secretary-General Sofonias P. Gabonada Jr., na siyang kumatawan kay Speaker Romualdez, ang pagpapa-abot ng tulong sa unipormadong hanay.
Sinabi ni Gabonada na ipinaaabot ni Speaker Romualdez at ng Tingog Partylist ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa serbisyong hinahatid ng mga pulis at sundalo para sa pagtatanggol sa mamamayan.
Ang tulong ay tinanggap ni PBGen. Adonis Ariel Orio para sa Philippine Army habang si PBGen. Kirby Brion Kraft naman para sa PNP.
Kamakailan ay bumisita ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Oriental Mindoro upang ihatid ang may P1.2 bilyong halaga ng tulong pinansyal at serbisyo ng gobyerno sa mga residente.
Ang tulong para sa mga pulis at sundalo ay isa umanong pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa dalawang araw na Service Caravan.