CENTRAL MINDANAO-Nasa heightened alert ang militar at pulisya sa probinsya ng Cotabato sa posibleng paghihiganti ng mga terorista.
Matatandaan na naglunsad ng law enforcement operation ang Joint Task Force Central sa pangunguna ni 602nd Brigade Commander Colonel Jovencio Gonzales sa Carmen Cotabato.
Papasok palang ang tropa ng militar sa kuta ng kanilang target ay pinaputukan na ito ng mga terorista.
Kaya napilitan ang mga sundalo na gumanti ng putok sa mga rebelde na tumagal ng mahigit kalahating oras na palitan ng bala sa magkabilang panig.
Nasawi sa mga terorista sina Norodin Hassan alyas Kumander Andot, Emir for Military Affairs ng Daulah Islamiya Hassan Group (DI-HG),utak sa pambobomba ng Mindanao Star Bus sa Purok Narra Barangay San Mateo Aleosan Cotabato, Abdonillah Hassan alyas Don,Abdonhack Hassan alyas Abdon at isang hindi pa tukoy ang pagkakilanlan.
Narekober sa posisyon ng mga nasawi na rebelde ang isang M4 rifle, isang M1 Garand rifle,mga bala, magasin, cellphone, solar panels, ICOM radios at iba pa.
Ang grupo ni Hassan ang itinuro ng militar na utak sa pagpapasabog ng Mindanao Star Bus body number 15511 sa Aleosan Cotabato kung saan isang bata ang nasawi at anim ang nasugatan.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng Joint Task Force Central ang mga kasamahan ni Kumander Andot na nakatakas sa engkwentro ng militar.