CENTRAL MINDANAO – Lumikas ang maraming mga sibilyan sa engkwentro ng militar at mga armadong grupo sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon sa ulat ng 6th Infantry (Kampilan) Division na nagka-engkwentro ang militar at mga armadong tagasunod ni dating Talitay Mayor Montasir Sabal sa Talitay, Maguindanao.
Dahil sa tindi ng bakbakan ay lumikas ang mahigit 1,000 pamilya patungo sa mga ligtas na lugar.
Mayroon pang napaulat na nasawi at nasugatan sa kalat-kalat na palitan ng bala sa magkabilang panig.
Maraming bahay na rin ang nasira at nasunog sa engkwentro ng militar at mga armadong kalalakihan na miyembro umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Una rito biglang nawala bilang alkalde ng Talitay, Maguindanao si Montasir Sabal pagkatapos itong pangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa kalakaran ng pinagbabawal na droga na pinabulaanan naman ng opisyal.
Pumalit sa kanya ang kapatid na si Allan Sabal ngunit nabaril-patay ito sa kalakhang Maynila.
Nagpapatuloy ngayon ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan, militar at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) para mamagitan sa mga nangyayaring kaguluhan sa Bangsamoro territory.