-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Siyam umano ang nasawi sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) nang maglunsad ng panibagong air to ground assault ang militar sa probinsya ng Maguindanao.

Ayon sa ulat ng 601st Brigade ng 6th Infantry (Kampilan) Division Philippine Army, binomba ng Joint Task Force Central ang kuta ng BIFF sa Brgy Bakat at Brgy Ganta Shariff, Saydona Mustapha, Maguindanao.

Unang nagpakawala ng mga bala ng 105 mm howitzers cannon ang Artillery Field Battalion sa posisyon ng BIFF.

Tumulong din ang dalawang MG-520 attack helicopters ng Philippine Air Force at binomba ang kuta ni Shiekh Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife ng BIFF-ISIS inspired group.

Napilitan daw ang mga terorista na umatras at magtago sa maliliit na isla sa Liguasan Delta.

Kinumpirma mismo ng mga sibilyan na lumikas na siyam ang nasawi sa BIFF at marami ang nasugatan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagtugis ng JTFC sa BIFF sa lalawigan ng Maguindanao.