-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nagpaulan ng bomba ang militar gamit ang mga helicopter sa bukiring parte ng P-16 Damognay, Barangay Los Angeles, sa lungsod ng Butuan na target umano ang pinaghihinalang grupo ng mga New People’s Army (NPA).

Ayon kay Barangay Kagawad Simon Cane sa panayam ng Bombo Radyo Butuan, kahit tatlong kilometro ang layo ng operasyon mula sa sentro ng barangay ay naririnig pa rin nila ang malalakas na ugong ng bomba at palitan ng mga putok.

Aniya, bago ang pangyayari kahapon ng hapon, dalawang helicopter ng militar ang nakita ng mga residente na paikot-ikot sa kanilang barangay at kalaunan may anim na 6X6 truck ang dumiretso sa P-16 ng nasabing barangay at dito na sumiklab ang putukan at pagpapakawala ng bomba.

Wala pang impormasyon kung mayroong sibilyan na nadamay sa operasyon.

Ayon kay Cane kahit wala pa silang natanggap na impormasyon kung mayroong nanghihingi na ng agarang paglikas ay handa silang tumanggap sa mga ito.

Wala pa namang pahayag ang militar sa nasabing operasyon at kung mayroon bang casualty sa kanilang panig o sa teroristang grupo.