-- Advertisements --

ROXAS CITY – Mariing pinasinungalingan ni 3rd Infantry Division Philippine Army spokesperson Capt. Cenon Pancito III ang alegasyon ng ilang progresibong grupo na ang militar ang nasa likod ng pag-ambush sa sasakyan ng isang abogado sa lalawigan ng Capiz.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Capt. Pancito, inihayag nito na lumalabas sa imbestigasyon ng hanay ng pulisya na ang kasamang kliyente ni Atty. Cris Heredia ang posibleng target ng riding in tandem suspeks na nagpaulan ng bala sa sasakyan ng abogado.

Aniya, hindi naman apektado ang kanilang hanay sa mga paratang ng mga progresibong grupo dahil halos lahat naman umano ng patayan sa bansa ay iniuugnay ng mga ito sa militar ngunit hindi naman nila kayang mapatunayan.

Aniya, wala ring dapat na katakutan ang katulad ni Atty. Heredia sa militar dahil hindi naman umano ito armadong personalidad.

Hindi na rin umano maloloko ng mga progresibong grupo ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga protesta dahil wala na rin halos may naniniwala sa kanilang ideolohiya.

Sa katunayan umano ay “nilangaw” lamang ang protesta ng iba’t ibang progresibong grupo kung saan isinisisi ng mga ito ang nangyaring pag-ambush kay Heredia sa militar.

Sa ngayon ayon sa opisyal nakatutok ang kanilang hanay sa pagtugis sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New Peoples’ Army (CPP-NPA).