-- Advertisements --
Westmincom patikul ASG
Two innocent children lost lives when they were fired upon by ASG in Patikul, Sulu (file photo from Westmincom)

Mariing kinondena ng Western Mindanao Command (Wesmincom) ang ginawang pagsalakay ng mga teroristang Abu Sayyaf group (ASG) sa mga sibilyan sa Patikul, Sulu na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang bata habang tatlong iba pa ang sugatan.

Ipinaabot ni Wesmincom commander Lt. Gen. Arnel Dela Vega ang kaniyang pakikiramay sa pamilya ng dalawang bata na nasawi sa pag atake.

Sinabi ni Dela Vega, ang pagkamatay ng dalawang bata ay patunay na maging ang mga sibilyan ay kanila na ring target sa ngayon.

Wala rin daw mga respeto ang ASG sa relihiyong Islam dahil ginawa nila ang pag-atake kahit buwan pa ng Ramadan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wesmincom spokesperson Col. Gerry Besana, kaniyang sinabi na ginagamot na ngayon sa Camp Teodulfo Bautista ang tatlong nasugatan na mga bata.

Aniya, na-trap ang mga sibilyan sa kasagsagan ng pagsalakay ng nasa 30 bandidong Abu Sayyaf sa pangunguna ng ASG sub-leader na si Mundi Sawadjaan.

Sinalakay ng mga ito ang Community Support Activity ng militar sa may Barangay Igasan, Patikul.

Dahil dito nagkabakbakan ang mga sundalo at Abu Sayyaf.

Bilang resulta anim na bandido ang napatay at pito ang sugatan.

Sa panig ng mga tropa ng pamahalaan limang sundalo ang slightly wounded.