-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Northern Luzon Command ang naging huling direktiba ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army sa kanilang pwersa na magsagawa ng pananamabang at agawin ang mga armas ng mga tropa ng pamahalaan.

Sa isang pahayag, sinabi ni NOLCOM Commander Lt. General Fernyl Buca, ang nasabing kautusan ay inilabas mismo ng CPP Chief Information Officer na si Marco Valbuena nitong Marso 29 ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Gen. Buca, patunay lamang ito na si Valbuena ay bahagi ng kilusang komunista.

Iginiit rin ni Lt. Gen. Buca, na malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law ang lantarang paggamit ng mga ito ng landmine sa pananambang sa mga sundalo at sibilyan.

Nananatili ring banta sa seguridad ang naturang mga teroristang grupo kaya dapat lamang na ito ay manutralisa.

Tiniyak naman ng NOLCOM na determinado ang kasundaluhan na mapulbos ang nalalabing pwersa ng CPP-NPA sa bansa.

Ito ay para na rin sa kaligtasan at seguridad ng bawat mamamayang Pilipino.