-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kinumpirma ng Philippine Army na anak ng Barangay Captain ang mataas na lider ng rebelde sa Panay na nasawi sa engkwentro sa pagitan ng rebelde at tropa ng gobyerno sa Brgy. Tagsing, Leon, Iloilo.

Ito ay si John Eric Talibo,residente ng Barangay Indaluyon, Igbaras, Iloilo at lider ng SIBAT (SYP) Platoon, Southern Front- Kometing Rehiyon Panay.

Si Talibo ay kasama ng isa pang rebelde na si Jenny Fariolan, ng Cabalaunan, Miagao, Iloilo na nasawi rin sa engkwentro.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lieutenant Colonel Arturo Balgos Jr., Acting Commanding Officer ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army, sinabi nito na si Talibo ay anak ni Punong Barangay Susanito Talibo Talibo ng Indaluyon, Igbaras, Iloilo na isa ring dating rebelde.

Ang dalawa pang mga anak ng opisyal na pawang ring rebelde ay nasawi rin sa mga nagdaang engkwentro.

Ito ay sina Jason Talibo na nasawi noong 2028 sa San Jose de Buenavista, Antique at Eugene Talibo na nasawi noong 2021 sa Barangay Alimodias, Miagao, Iloilo.

Ayon kay Balgos, may isa pang kapatid ang mga Talibo na isa ring rebelde na sa ngayon ay patuloy pa na nagtatago sa mga otoridad.