CENTRAL MINDANAO – Naglunsad ng air to ground assault ang militar laban sa mga terorista sa hangganan ng Maguindanao at North Cotabato.
Target nang surgical strike ng Joint Task Force Central ang grupo ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife at ibang mga myembro ng Dawlah Islamiyah sa SPMS Box at Liguasan Delta.
Unang binomba ng dalawang fighter jet katuwang ang dalawang attach helicopters ng Philippine Air Force (PAF) ang kuta ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Brgy Dasawao Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.
Magdamag na kinanyon ng militar ang tatlong paksyon ng BIFF na umanoy nagkakanlong ng mga dayuhang terorista na may direktang ugnayan sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Kinumpirma rin ni 602nd Brigade Commander.B/Gen Afredo Rosario na itoy Division wide operation ng 6th ID at proactive measure ng militar upang hindi na makapaghasik pa ng lagim ang mga terorista.
Dalawang gabi nang nabubulahaw ang tulog ng mamamayan ng Central Mindanao dahil sa paglipad ng mga air asset ng militar at pagputok ng kanyon.
Marami na rin ang lumikas sa mga apektadong bayan sa Maguindanao sa operasyon ng militar.
May napaulat ng nasawi at nasugatan sa panig ng mga terorista na binobomba ngayon ng hukbong sandatahan ng Pilipinas.