-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Mariing kinondena ng Philippine Army ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng tropa ng militar at mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bahagi ng Brgy. Dorillo, Jipapad, Eastern Samar.

Una nito, nagresulta ang nasabing engkwentro sa dalawang napatay na sundalo at tatlong iba pang biktimang nasugatan kasama na ang isang menor de edad.

Sa isinagawang press conference ng mga militar, ipinahayag ni Col. Perfecto Penarendondo, commander ng 803rd Infantry Brigade, kanilang kinokondena ang nasabing insidente na nangyari sa mismong araw pa ng fiesta celebration ng Jipapad.

Ayon sa inisyal na report, ala-1:30 trenta ng madaling araw nang magsagawa ng pang-aatake ang hindi pa matukoy na bilang ng mga rebelde na pinaniniwalaang mula sa Eastern Visayas Regional Party Committee Sub-Guerilla Unit.

Napatay sa nasabing insidente ang isang staff sergeant at private first class.

Samantala ang nasugatan naman ay isa ring staff sergeant, private first class at isang 10-anyos na batang babae na natamaan ng ligaw na bala.

Ang Barangay Dorillo kung saan nangyari ang insidente ay makikita na walong kilometro mula sa town proper.

Nangyari ang insidente malapit lamang sa mismong mga kabahayan ng mga residente kung kaya’t hindi naiwasang may madamay na sibilyan.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon at operasyon ng mga otoridad sa nasabing pangyayari.

Ito naman ang pinakaunang engkwentro sa pagitan ng mga rebelde at tropa ng gobyerno na nangyari ngayong taon sa buong Eastern Samar.