GENERAL SANTOS CITY – Isinagawa ng militar ang pagsira sa mga nakumpiskang armas mula sa New People’s Army (NPA).
Ayon kay Col. Ted Dagusmoc, deputy ng 1002nd Brigade sa Philippine Army kalakip sa isinagawang firearms destruction ang 31 na high-powered firearms, M203 grenade launcher at caliber .30 machine gun na nakumpiska ng militar mula sa grupong Guerilla Front Tala ng NPA na nag-operate sa Sarangani Province at Davao del Sur.
Noong huling bahagi ng taong 2020 ay na-dismantle ng militar ang Guerilla Front Tala dahil sa kanilang iba’t ibang programa na nagresulta rin sa pagsuko ng ilang mga rebelde.
Hanggang naging apat na miyembro na lamang ang naiwan kung saan ang mga ito ay lumipat sa ibang lugar.
Nakatanggap ng report ang militar na binalikan ng mga NPA ang nakatago nilang armas kaya dito na isinagawa ang operasyon kung saan kanilang napagtagumpayan na makuha ang mga ito sa bulubunduking bahagi ng Malapatan, Sarangani Province.