-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Binomba ng militar ang kuta ng mga terorista sa lalawigan ng Maguindanao.

Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major/General Juvymax Uy na muling naglunsad ng air to ground assault ang militar laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Barangay Pilar South Upi Maguindanao.

Nanguna sa focused military operation ang tropa ng 57th Infantry (Masikap) Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Jonathan Pondanera katuwang ang Field Artillery Battalion at Philippine Air Force (PAF).

Binomba ng Joint Task Foce Central ang kuta ng BIFF sa Brgy Pilar sa bayan ng South Upi gamit ang 105 mm Howitzers Cannon at dalawang Attack Helicopters ng PAF.

Siyam umano ang napaulat na nasawi sa BIFF ngunit hindi pa ito makumpirma ng militar.

Matatandaan na sunod-sunod na inatake ng BIFF ang Barangay Itaw, Kuya at Pilar noong nakalipas na buwan.

Sinunog ng mga rebelde ang kabahayan ng mga sibilyan na lumikas.

Tinambangan rin ng BIFF si South Upi Mayor Reynalbert Insular, Municipal Councilor Basit Kamid.

Nagpasabog rin ng bomba ang BIFF kung saan isang sibilyan ang nasawi at isa ang nasugatan.