-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinayuhang muli ng militar ang mga kabataan na huwag silang magpahikayat sa mga komunista o sa mga makakaliwang grupo.

Inamin ni Major Amado Gutierrez, chief ng Division Public Affairs Office ng 7th Infantry Division ng Philippine Army na marami pa ring mga kabataan ang nahihikayat ng mga komunista.

Sinabi niya na dahil sa panghihikayat ng mga komunista ay lalo pang nadumihan ang pag iisip ng mga kabataan lalo na yong mga kasapi ng mga organisasyon na sumasalungat sa pamahalaan.

Binanggit ni Gutierrez na dahil dito ay nagiging kalaban ng pamahalaan ang ilang mga kabataan.

Isinalaysay ng opisyal na mula nang mabuo ang Communist Party of the Philippines (CPP) noong Disyembre 1968 ay aabot na sa mahigit 50,000 na Pilipino ang nasawi dahil sa insurgency.

Dahil dito, umaapela si Gutierrez sa mga kabataan na panatilihin nila ang kanilang pagkakakilanlan bilang pag-asa ng bayan at hindi bilang kalaban ng pamahalaan.