NAGA CITY – Nagpapatuloy ngayon ang clearing operation ng militar kasunod ng kanilang engkuwentro kontra rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay San Luis I, Guinyangan, Quezon.
Ayon sa 9th Infantry Division, Philippine Army, nagsagawa ng ng combat operation ang 96th Infantry Battalion nang makatanggap ng impormasyon kaugnay ng umano’y mga rebeldeng umaali-aligid sa lugar.
Naabutan ng tropa ang pinaniniwalaang mga miyembro ng mga rebelde na nauwi sa limang minutong palitan ng putok.
Subalit nakatakas ang mga ito dala ang umano’y mga sugatan nilang mga kasamahan.
Narekober sa lugar ang isang M16 rifle, magazine at live ammunition, dalawang cellular phones at dalawa ring backpacks na may mga personal na gamit.
Samantala, sinabi ng 9th ID na walang nasugatan sa panig ng tropa ng pamahalaan sa nangyaring bakbakan.