KORONADAL CITY – Dahan-dahan nang bumabalik sa kanilang mga tahanan ang libo-libong pamilya na apektado ng engwentro sa pagitan ng 105th Base Command at 118th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Koronadal ni Brig. General Oriel Pancog, ang Commander ng 601st Brigade, Phil. Army.
Ayon sa opisyal, dahil sa patuloy na koordinasyon ng AFP, PNP at LGU ng nasabing lugar, nakabalik na ang halos 40% sa 2,300 na mga pamilya na nagsilikas at pumunta sa iba’t-ibang evacuation sites dahil sa matinding gulo na dinulot nga dalawang paksyon.
Paliwanag ng opisyal, ang dalawang grupo na sangkot sa kaguluhan ay nauugnay sa rido o clan war at territorial dispute pero sa ngayon mas inaalam pa nila kung mayroon pang mas malalim na rason ang ganitong kaguluhan.
Kung maalala una nang pumirma ang mga ito ng peace pact noong Abril-5 ngunit nagpatuloy pa rin ang labanan.
Batay sa opisyal na rekord ng Phil Army, ang dalawang paksyon ay sa ilalim ng 105th Base Command sa ilalim ng pamumuno ni Commander Moat Sindatuk, at 118th Command na nasa ilalim ng liderato ni Commander Bobby Adam.
Ang ilan sa mga lumikas ay kinailangang manirahan na pansamantala sa mga eskwelahan , mga evacuation center at sa mga karatig na lugar.
Sa ngayon, patuloy na inaalalayan ng militar at pulisya ang mga lumikas ngunit hindi pa rin pinapakialaman ang nasabing gulo dahil sa pagnanais nilang maresolba na lamang ito ng mga leader ng MILF.
Kaugnay nito, sa patuloy na kaguluhan laking pasasalamat naman ni Pancog na wala naman naitalang sugatan na mga sibilyan sa kabila ng patuloy na ptukan ng armas ng nasabing mga grupo.