-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Pumagitna na ang militar sa engkwentro sa pagitan ng Dawla Islamiya at armadong supporters ng nasawing barangay chairman sa Sitio Patawali, Barangay Ganta Shariff Saydona Mustapha Maguindanao del sur.

Ito ang inihayag ni BGen. Oriel Pangcog, commander ng 601st Brigade, Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Pangcog, nagalit ang mga tagasuporta ni Barangay Penditen Datu Salibo Chairman Jun Silongan matapos na nasawi ang opisyal sa nangyaring pamomomba na kagagawan umano ng grupo ni Dawla Islamiya Sub Leader Commander Budsal kaya’t nagkapalitan ng putok ang mga armado na nagresulta sa paglikas ng ilang mga residente sa lugar.

Sa ngayon inaalam pa kung may nasugatan o nasawi sa engkwentro ng dalawang panig.

Ngunit, para masiguro na hindi madamay ang mga sibilyan ay pumagitna na ang mga sundalo at pulis upang di na tumagal pa ang palitan ng putok at mapanatili ang katahimikan sa nabanggit na lugar.

Una rito, naniniwala si General Pangcog na walang kinalaman ang pulitika sa pamomomba na ikinasawi nina Chairman Silongan at Barangay Kagawad Sali Datua habang may nadamay pa na sugatang sibilyan.

Paghahasik ng terrorismo umano ang pakay ng mga ito.

Sa ngayon, nasa full alert status ang militar at pulisya sa lugar upang mapigilan ang anumang karahasan na posibleng mangyari.