Hiniling ngayon ng militar ang kooperasyon ng publiko lalo na sa mga local at foreign tourist para hindi na makapandukot ang bandidong Abu Sayyaf.
Kasunod na rin ito ng pagkamatay ng Dutch birdwatcher na si Ewold Horn na pitong taon nang bihag ng grupo na ginagamit bilang human shield o panangga sa tropa ng pamahalaan kapag nagka-engkuwentro ang mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Western Mindanao Command (WestMinCom) Spokesperson Col. Gerry Besana, hiniling din nito sa mga banyagang nagbabakasyon dito sa Pilipinas na iwasan munang pumunta sa Sulu.
Aniya, maraming magagandang tanawin sa lugar pero hindi raw maaalis ang posibilidad na muling mambiktima ang bandidong grupo lalo na’t wala na silang hawak na mga bihag kasunod ng pagkamatay ng Dutch birdwatcher na si Ewold Horn.
Para naman sa mga grupong gustong magpaabot ng tulong sa naturang probinsiya, mas maigi raw na makipag-ugnayan ang mga ito sa otoridad.
Una rito sinabi ni Besana na si Horn na lang daw kasi ang pumipigil sa all out war ng militar sa Abu Sayyaf dahil ginagamit nila itong panangga kapag magsasagawa ng opensiba ang mga sundalo.