BACOLOD CITY – Handa umano ang hanay ng militar sa Negros Oriental sakaling ituloy ang panukalang martial law sa lalawigan dulot ng sunod-sunod na kaso ng patayan kamakailan.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni 302nd Infantry Brigade commander B/Gen. Ignacio Madriaga na susundin nila kung ano ang magiging hatol ng Kongreso at Palasyo sa panukala.
Nais din daw kasi ng kanilang hanay na matuldukan na ang pangamba ng mga residente sanhi ng nasabing mga kaso.
Batay sa ulat, higit 20 na ang pinatay sa Negros Oriental mula July 18.
Kabilang sa mga ito ang ilang pulis, mga dati at kasaluuyang local officials at sibilyan.
Sa ngayon nilinaw ni Madriaga na kontrolado ang sitwasyon sa probinsya.
May resulta na rin daw ang imbestigasyon ng Philippine National Police kung saan lumabas na New Peoples’ Army umano ang isa sa mga utak ng krimen.
Una nang sinabi ng Malacanang na ang desisyon ng Pangulong Duterte ay nakadepende pa rin daw sa rekomendasyon ng AFP at mga local executives sa naturang lalawigan.