Nagdeklara ng kudeta ang militar ng West african country na Niger laban sa gobyerno sa ilalim ni Niger President Mohamed Bazoum.
Sa isang televised address, inanunsiyo ni Colonel-Major Amadou Abdramane na napatalsik nila ang Pangulo matapos na i-hold ito sa presidential palace.
Makikita din sa televised address na napapalibutan ng 9 na iba pang unipormadong sundalo ang military leader at inihayag nito na nagpasya ang defense at security forces na waksan na ang kasalukuyang rehimen dahil sa lumalalang security situation, bagsak na ekonomiya at masamang pamumuno sa kanilang bansa.
Sinabi din ng naturang opisyal na isinara na ang borders ng Niger hanggang sa mag-stabilize ang sitwasyon doon, lahat din ng pasok sa mga institusyon sa bansa ay suspendido at ipinairal ang curfew sa buong bansa mula 10pm hanggang 5am hanggang sa maglabas ng abiso.
Ginawa ng military leader ang naturang anunsiyo ilang oras matapos na mapasakamay ng presidential guards na pinangungunahan ni General Omar Tchiani ang pamumuno sa gobyerno ng Niger.
Matapos ang anunsiyo ng Niger military, umapela naman si US Secretary of State Antony Blinken para sa pagpapalaya kay Niger President Bazoum.
Dumating naman na si Benin President Patrice Talon sa kapital ng Niamey para sa mediation mission para maayos ang sitwasyon sa naturang bansa.
Nagtipun-tipon naman ang mamamayan ng Niger sa kakalsadahan sa Niamey para suportahan si President Bazoum.
Si Bazoum ay inihalal noong 2021 na malapit na kaalyado ng France at iba pang Western nations.