Wala umanong ideya ang militar, partikular ang Joint Task Force (JTF)-Sulu, kaugnay sa pagpapalaya sa dalawang bihag na pulis.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay JTF-Sulu Commander BGen. Cirilito Sobejana, kanila pang inaalam sa ngayon ang mga circumstances sa pagpapalaya sa dalawang babaeng pulis na kinilalang sina PO1 Dinah Gumahad at PO2 Benierose Alvarez.
Aniya, naging abala sila nitong araw ng Miyerkules dahil sa pagbisita ni AFP chief of staff Gen. Carlito Galvez sa Sulu kung saan binigyan ng Wounded Personnel Medal ang mga sugatang sundalo.
Sinabi ni Sobejana na hindi sila sinabihan kaugnay sa mga circumstances sa pagpapalaya sa dalawang bihag na pulis kaya blangko umano sila sa impormasyon.
Nanindigan din si Sobejana na hindi sila makikisali kapag mayroong pinag-uusapang ransom.
Aniya, mahigpit nilang sinusunod ang no ransom policy ng pamahalaan.
Una nang tinukoy ni Sobejana na grupo ni Mujir Yada ang may hawak sa dalawang policewomen.
Naniniwala raw kasi si Sobejana na maililigtas nila ang dalawang bihag sa pamamagitan ng paglunsad ng rescue operation.