-- Advertisements --

Determinado umano ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na i-neutralize ang bagong emir ng ISIS sa Pilipinas kung sino man ito.

Ang pahayag na ito ni AFP Spokesperson B/Gen. Edgard Arevalo ay kasunod ng pagkumpirma ni Interior Sec. Eduardo Año na si Abu Sayyaf leader Hatib Hajan Sawadjaan na raw ang bagong “emir” ng ISIS sa bansa.

Sinabi ni Arevalo na hindi privy ang AFP sa proseso ng pagpili at pagkumpirma ng Central ISIS ng isang emir.

Ayon naman kay Western Mindanao Command Spokesperson Lt. Col. Gerry Besana, nasa proseso pa ang militar ngayon sa pag-validate sa nasabing ulat.

Pero ayon kay Besana, malaki ang posibilidad na maging emir ng ISIS-Philippines si Sawadjaan ay dahil mas radikal, notoryus at sikat ito ngayon.

Hindi naman makumpirma ni Besana na ang kambal na pagsabog sa Jolo Cathedral ay pinondohan ng central ISIS.

Inihayag pa ni Besana dahil sa pera kaya pinag-aagawan ng mga teroristang grupo sa Mindanao ang pagiging emir ng ISIS sa bansa.

Samantala, ani Besana, apat na grupo sa Mindanao ang nagpahayag ng suporta sa ISIS.

Ito raw ay ang grupo ng Maute-ISIS sa pamumuno ni Marohomsar Salic alias Abu Dar na nag-o-operate sa Lanao area; grupo ni Basilan-based ASG leader Furuji Indama; grupo ni Sawadjaan; at ang grupo ni Abu Turaife sa Maguindanao, kabilang sina Salahuddin Hassan at Mawiya.