CENTRAL MINDANAO – Todo bantay ngayon ang mga otoridad sa posibleng paghihiganti ng mga terorista sa pagkasawi ng kanilang lider sa operasyon ng militar sa Maguindanao kaninang madaling araw.
Nakilala ang nasawi na si Salahuddin Hassan alyas Kumander Orak, overall emir ng Dawlah Islamiyah (DI) sa Pilipinas na dating kasapi ng Al-Khobar terror group at isa sa mga top leader ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Patay din ang asawa ni Kumander Orak na si Jehana Minbida, umano’y finance officer ng DI at BIFF.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central commander M/Gen Juvymax Uy na nagsagawa ng law enforcement operation ang tropa ng Ist Mechanized Brigade nang makatanggap sila ng impormasyon sa kuta ni Hassan sa Sitio Pinaring, Barangay Damablak, Talayan, Maguindanao.
Papasok pa lang daw ang mga sundalo sa bahay ni Hassan ay agad na silang pinaputukan ng mga terorista.
Napilitan na gumanti ng putok ang Joint Task Force Central hanggang sa nasawi si Kumander Orak at ang kanyang asawa.
“With the help of the community and other stakeholders, we can defeat these terrorist groups and realize our desire of a safe and peaceful community. And I continue to call on the community and our partner LGUs to help us totally defeat terrorism and violent extremism,” ani Gen. Uy.
Narekober ng militar sa bahay ni Hassan ang isang ang 5.56mm R4 rifle, bandoliers, mga bala, iba’t ibang war materials at mga subersibong dokumento.
Sinabi ni Ist Mechanized Brigade commander Col. Pedro Balisi na si Hassan ay sangkot sa mga pag-aatake sa Mindanao nitong 2007-2015.
Dati rin siyang estudyante ni Kumander Basit Usman at Malaysian terrorist na si Zulkifli “Marwan” Binhir.
Si Hassan din daw ang pumalit sa puwesto ni Hatib Hajan Sawadjaan bilang pinakamataas na emir ng Dawlah Islamiyah sa Pilipinas.
Itinuturo ring sangkot si Hassan sa insIdente ng pagpapasabog sa Mindanao kabilang ang Yellow Bus bombing sa bayan ng Tulunan at M’lang, Cotabato.
Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang pagbabantay sa Maguindanao sa posibleng paghihiganti ng mga terorista.