Pinirmahan na ngayong araw ni US President Joe Biden ang batas na magbibigay ng $95-B na tulong sa Ukraine, Israel, at ilang bansa sa Indo-Pacific Region.
Sa naturang batas, makakatanggap ang Ukraine ng $61-B na tulong habang $26-B naman ang mapupunta sa Israel at humanitarian assistance sa Gaza, Sudan, at Haiti. Nakapaloob din sa naturang panukala ang $8-B na military support para sa Taiwan at iba pang bansa sa Indo-Pacific region.
Kasabay nito, pinirmahan din ni Biden ang batas na magba-ban sa video sharing app na Tiktok kung hindi maibebenta ng may-ari nito na ByteDance ang stake ng application.
Ito ay dahil sa pangamba ng mga opisyal ng Estados Unidos na maging kasangkapan ng China ang naturang application para magmatyag at kumuha ng mga importanteng impormasyon sa Amerika na anila’y banta sa seguridad ng bansa.
Sa pahayag ng isang opisyal ng Tiktok, itinuring nila ang batas na unconstitutional at ipaglalaban umano nila ang karapatan ng mga gumagamit ng video sharing app.
Naniniwala ang pamunuan nito na ang pag-ban sa naturang application ay pag-ban din sa boses ng mga gumagamit nito.
Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 170 million users ang Tiktok sa US.