Inalok ng Department of National Defense (DND) ang dalawa nitong military facilities para gawing quarantine area sa mga nagbabalik bansa na mga migrant workers para maibsan ang pangamba laban sa tinaguriang deadly 2019-novel coronavirus.
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang tinitignan ng Department of Health (DOH) ay ang Naval Station sa Caballo Island at ang Fort Magsasysay Drug Rehab Center sa Nueva Ecija bilang quarantine area para sa OFW mula sa Wuhan, China.
“The DOH is looking at the naval station at Caballo Island and the Ft Magsaysay Drug Rehab Center in Nueva Ecija as possible quarantine area for the returning OFWs from Wuhan,” mensahe ni Sec. Lorenzana.
Nagsagawa na rin ng inspection ang DOH sa nasabing isla noong January 31.
Habang ang rehab facility sa Nueva Ecija ay ininspeksiyon kahapon February 1, 2020.
Taong 2014 ng gamitin ang Caballo Island para i-quarantine ang nasa 133 Filipino soldiers mula sa United Nations peacekeeping mission sa Liberia kasunod ng outbreak ng Ebola virus sa West Africa.
Ang Fort Magsaysay Rehabilitation Center ang pinakamalaki sa buong bansa na ginawa noong 2016 sa kasagsagan ng anti-drug campaign ng gobyerno.